Tuesday, November 30, 2010

Maliligtas Ba Ang Lahat Ng Tumatawag Sa Panginoon?

Ayon kay apostol San Pablo...
"Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon." (Roma 10:13, MBB)
Ngunit ayon naman sa Panginoong Jesu-Cristo...
"Hindi lahat ng tumatawag sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit." (Mateo 7:21, Ibid.)
Sino ngayon ang nagsasabi ng totoo? Si Pablo ba na isang apostol ni Cristo? O si Jesu-Cristo na siyang Panginoon ni Pablo? Isa ang Mateo 7:21 sa mga talata ng Kasulatan na ginagamit ng ibang mga mangangaral upang pasubalian ang konsepto ng 'kaligtasan ayon sa biyaya.' Ayon sa kanila, hindi sapat ang 'pagsampalataya' lang, bagkus dapat mong sundin ang kautusan ng Diyos upang ika'y papasukin sa kaharian ng langit. Ayon sa sumunod na talata,
"Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? At kung magkagayo'y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma'y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan." (Mat. 7:22-23, TAB)
Dito ay makikita natin kung paano itinaboy ng Panginoon ang ilang mga taong 'kumikilala' sa kanya bilang Panginoon. Nagsipanghula sila sa pangalan ni Jesus, nagpalayas ng mga demonyo, at gumawa ng mga milagro, gayunpama'y itinaboy sila ni Jesus. "Magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan," sabi niya sa kanila.

Ngunit kung hindi maliligtas ang lahat ng 'tumatawag' sa pangalan ni Jesus, bakit tila sinalungat ito ni Pablo nang sabihin niyang "maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon" (Roma 10:13)? Nagkaroon nga ba ng salungatan sa pagitan ng Panginoong Jesus at ni San Pablo na kanyang apostol (na kinakasihan din naman ng Banal na Espiritu)? Hindi. Ito ay sapagkat may magkaibang kuntekstong kinalalagyan ang pahayag ni Pablo sa Roma 10:13, at ang pangungusap ni Jesus sa Mateo 7:21.

Totoong ang lahat ng 'tumatawag' sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas. Ngunit ang isyu dito ay kung anong uri ba ng 'pagtawag' ang tinutukoy sa talatang ito na magdadala sa tao sa tunay na kaligtasan. Kung susuriin natin ang kunteksto ng Roma 10:13, makikita nating ang pagtawag na ito ay naguugat sa buong pusong pananalig. Ayon sa talata 9-11,
"Kung ipapahayag ng iyong mga labi na si Jesus ay Panginoon at manalig ka nang buong puso na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat nananalig ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayo'y napawawalang-sala; at nagpapayag sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayo'y naliligtas. Sinasabi ng Kasulatan, 'Hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya." (Roma 10:9-11, MBB)
Kung gayon, ang kalidad ng pagtawag na tinutukoy ni Pablo sa talata 13 ay ang pagtawag na mayroong buong pusong pananalig sa Panginoon. Hindi sila mabibigo, sapagkat sa Panginoon lamang sila nagtitiwala at umaasa. Ayon nga kay Jesus, "Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan" (Juan 6:47, Ibid.). Sila'y hindi na "hahatulan kundi inilipat na sa buhay mula sa kamatayan" (Juan 5:24, Ibid.). Bukod pa rito, sila'y binigyan na ng "karapatang maging anak ng Diyos" ayon sa Juan 1:12 (Ibid.).

Ngunit wala bang tunay at buong pusong pananalig ang mga taong tinutukoy ni Jesus sa Mateo 7:21-22? Ayon sa ibang mga mangangaral, mayroon naman daw, ngunit hindi sila gumagawa ng mabuti, kaya maiimpyerno parin sila. Ayon naman sa iba, minsan na silang nanalig, ngunit kalaunan ay natalikod at nahulog mula sa kaligtasang natamo na nila.

Ngunit ano ba ang wika ni Jesus sa mga taong 'tumatawag' sa kanya bilang Panginoon na itataboy niya sa huling araw?
"At kung magkagayo'y ipahahayag ko sa kanila, KAILAN MA'Y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan." (Mateo 7:23, TAB)

"And then will I profess unto them, I NEVER knew you: depart from me, ye that work iniquity." (Mat. 7:23, KJV)
Isipin itong mabuti: kung tunay na nananalig ang mga taong ito, bakit sinabihan sila ni Jesus na "KAILAN MA'Y" hindi niya sila nakilala? Hindi ba't ang sinumang nananalig sa kanya ay pinagkalooban na ng Diyos ng karapatang maging anak niya (Juan 1:12)? Kung totoong sila'y minsan nang naging anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananalig, bakit kailanma'y hindi sila nakilala ng Panginoon?

Isa pa, pansinin kung paano sinubukan ng mga taong ito na kumbinsihin si Jesus na iligtas sila ayon sa kanilang mga gawa (Mateo 7:22). Ito ay maliwanag na pagpapatunay na hindi sila talaga nagtitiwala kay Jesus bilang tanging Tagapagligtas ng kanilang mga kaluluwa. Sila ang kinatuparan ng isang talata sa Jeremias na ang sabi:
"Ganito ang sabi ng Panginoon: Sumpain ang tao na tumitiwala sa tao, at ginagawang laman ang kaniyang bisig, at ang puso ay humihiwalay sa Panginoon." (Jeremias 17:5, TAB)
Dito natin makikita ang malaking pagkakaiba ng mga taong tumatawag sa pangalan ng Panginoon sa Roma 10:13, sa mga taong tumatawag kay Jesus sa Mateo 7:21-22. Lahat ng mga tumatawag sa pangalan ni Cristo sa pamamagitan ng buong pusong pananalig ay maliligtas ayon sa kunteksto ng Roma 10:13. Ngunit hindi lahat ng tumatawag kay Cristo sa pamamagitan lamang ng labi ay maliligtas ayon naman sa kunteksto ng Mateo 7:21. Bagamat sila'y gumagawa ng mga kamangha-manghang mga gawa sa pangalan ni Cristo, hindi sila maliligtas sapagkat hindi sila nananangan sa trabahong tinapos na ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus sa ikaliligtas ng kanilang kaluluwa.

 -Jeph

No comments:

Post a Comment

Commenting Rules:

1. No trolling or baiting; submit relevant responses to appropriate blog-posts.
2. No name calling, bashing, flaming or posting of any ad hominems or personal attacks or insults of any kind
3. No spamming, advertising or soliciting.
4. No littering in the comment-box (multi-posting or cross-posting).
5. No blasphemous post and no links to occultic and cultic materials and immoral sites.
6. No negative one-liners.
7. No impersonating
8. No heckling; harrassments
9. No posting in all caps; no posting in all bold letters
10. If you're posting Anonymously, please provide a name so you can be addressed properly.

*All mature, sensible, and honest comments are welcome and encouraged. Comments will be filtered by the blog-owner before granting them to be published.