Monday, January 3, 2011

Mga Dakilang Benepisyo ng ating Pakikipag-isa kay Cristo


Ang ating pakikipag-isa kay Jesu-Cristo ay maraming magagandang benepisyo sa ating mga buhay bilang mga Cristiano. Unang-una sa listahan ay ang pagpapawalang-sala na natamo natin sa pamamagitan niya: "Ngayon nga ay wala nang kahatulan sa kanila na na kay Cristo Jesus" (Rom. 8:1). Tayo'y inaring-ganap (o ibinilang na matuwid) sa paningin ng Diyos batay sa kabanalan ni Cristo, at ang bagay na ito'y naging posible nang tayo'y nakipag-isa sa kanya sa pamamagitan ng pananalig.

Ikalawa, sa kalasakan ni Cristo, tayo'y nakatayo at nabubuhay: "Ako ay may sapat na lakas na gawin ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Cristo na nagbibigay ng [kalakasan] sa akin" (Php. 4:13; cf. Gal. 2:20). Nang si Pablo ay nakibaka sa taglay niyang "tinik ng laman" (na malamang ay isang kapansanan o sakit), napagtanto niyang bagamat hindi ipinagkaloob ng Panginoon na alisin ito sa kanya, binigyan naman siya ng Diyos ng sapat na biyaya upang mapagtiisan niya ito. Kaya nga ang wika ng apostol,
"Sinabi niya sa akin: Sapat sa iyo ang aking biyaya dahil ang aking kapangyarihan ay nalulubos sa kahinaan. Kaya nga, lalo akong magmamapuri sa aking kahinaan upang manahan sa akin ang kapangyarihan ni Cristo." (2 Cor. 12:9)
Ang kapangyarihang nagmumula kay Cristo ay hindi lamang natin nakukuha sa pamamagitan ng kanyang mga halimbawa at katuruan. Nagbibigay din siya ng konkretong tulong upang ating maisagawa ang kalooban ng Diyos na sa atin ay tumawag.

Ang ating pakikipag-isa kay Cristo ay nangangahulugan din na tayo'y magdaranas din ng mga paguusig ng sanlibutan dahil sa ating kaugnayan sa kanya. Bago pa man ipako si Cristo sa krus ay sinabihan na niya ang kanyang mga alagad na iinuman din nila ang saro na iinuman ni Cristo, at tatanggap sila ng bautismo kagaya ng bautismong tinanggap niya (Mark 10:39).

Kung tama ang sinasabi ng tradisyon tungkol sa sinapit ng mga alagad noong unang siglo, marami sa kanila ang namatay na martir alang-alang sa pananampalataya kay Cristo. Ngunit bago pa man sila nakibaka para sa kanilang pananampalataya ay pinaalalahanan na sila ni Cristo na kapag dumating ang mga paguusig ay hindi na dapat sila magtaka:
"Alalahanin ninyo ang mga salitang sinabi ko sa inyo. Ang alipin ay hindi nakakahigit sa kaniyang panginoon. Yamang ako ay kanilang inusig, kayo rin naman ay uusigin nila. Kung tinupad nila ang aking salita ay tutuparin din naman nila ang sa inyo." (Jn. 15:20)
Hindi ito nawaglit sa isipan ni Pablo, at nakasisiguro akong isa mga layunin niya sa pagsunod kay Cristo ay upang makibahagi din sa mga paguusig at pagdurusa na dinanas ng Panginoon. Ayon nga sa kanya,
"Oo, sa katunayan itinuturing kong kalugihan ang lahat ng bagay para sa napakadakilang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kaniya, tinanggap ko ang pagkalugi sa lahat ng bagay at itinuring kong dumi ang lahat ng mga ito, makamtan ko lamang si Cristo. Sa ganoon, ako ay masumpungan sa kaniya, hindi sa pamamagitan ng sarili kong katuwiran na ayon sa kautusan kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at ang katuwiran na mula sa Diyos ay sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito ay upang makilala ko siya at ang kapangyarihan ng kaniyang muling pagkabuhay at ang PAKIKIPAG-ISA SA KANIYANG MGA PAGHIHIRAP, upang matulad ako sa kaniya, sa kaniyang kamatayan." (Php. 3:8-10)
Gayunpaman, hindi dapat ituring na isang negatibong bagay ang pakikipag-isa sa mga paghihirang ni Cristo sa pamamagitan ng pagtitiis sa mga paguusig at iba pang kahirapan. Ganito ang naging payo ni Pedro sa kanyang mga kapwa mananampalataya,
"Magalak kayo na kayo ay naging bahagi sa mga paghihirap ni Cristo. Kapag nahayag na ang kaniyang kaluwalhatian labis kayong magagalak." (1 Pe. 4:13)
Ang mga pagdurusa at pagsubok ay hindi maituturing na benepisyo para sa atin sa oras na ito'y ating maranasan; ngunit ang sekular na kasabihang "mayroong magandang bahag-hari pagkatapos ng bawat unos" ay totoo rin sa Cristianismo. Sa tuwing nagtatagumpay tayo sa gitna ng mga pagsubok, paguusig, at kahirapan alang-alang kay Cristo, tayo ay nagkakaroon ng di-maipaliwanag na ligaya.

Ang huli sa mga benepisyong dulot ng ating pakikipag-isa kay Cristo ay ang katiyakan natin na tayo'y maluluwalhati ring kasama niya. Ang dalawang alagad ni Cristo (Santiago at Juan) na humiling sa kanya ng pulitikal na posisyon at awtoridad ay sa halip pinangakuan ni Cristo ng pagdurusa (Mark 10:35-39). Ngunit sinabihan din ng Panginoon ang buong grupo ng mga alagad na dahil sila'y nagtiis na kasama siya sa bawat pagsubok, sila ay kakain at iinom na kasalo siya kanyang maluwalhating Kaharian (Luk. 22:30). Ganoon din ang wika ni apostol Pablo sa kanyang sulat para kay Timoteo,
"Kung tayo ay maghihirap, tayo rin naman ay maghaharing kasama niya. Kung ipagkakaila natin siya, ipagkakaila rin niya tayo." (2 Tim. 2:12)
Bagamat tayo'y ligtas na mula sa kahatulan ng Diyos, tayo'y dumaranas parin ng mga pagsubok at paghihirap, ngunit sapat ang tulong na ibinibigay ng Diyos upang mapagtagumpayan natin ang mga ito. Tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu sa ating mga kahinaan (Rom. 8:26). Hindi rin magbibigay ang Diyos sa kanyang mga anak ng pagsubok na hindi nila kakayanin. Bagkus, sa bawat pagsubok ay naglalaan ang Diyos ng daan palabas upang tayo'y magtagumpay (1 Cor. 10:13). At sa mga nagtitiis alang-alang kay Cristo, isang maluwalhating kinabukasan ang naghihintay.

Sa Diyos lamang ang kapurihan!

-Jeph

No comments:

Post a Comment

Commenting Rules:

1. No trolling or baiting; submit relevant responses to appropriate blog-posts.
2. No name calling, bashing, flaming or posting of any ad hominems or personal attacks or insults of any kind
3. No spamming, advertising or soliciting.
4. No littering in the comment-box (multi-posting or cross-posting).
5. No blasphemous post and no links to occultic and cultic materials and immoral sites.
6. No negative one-liners.
7. No impersonating
8. No heckling; harrassments
9. No posting in all caps; no posting in all bold letters
10. If you're posting Anonymously, please provide a name so you can be addressed properly.

*All mature, sensible, and honest comments are welcome and encouraged. Comments will be filtered by the blog-owner before granting them to be published.