Sa pamamagitan ng sangnilikha ay ini-uulat,
Ang kaluwalhatian Niya sa paningin ng lahat.
Walang maika-katuwiran ang sinumang tao,
Pagka’t pagka-alam natin sa Diyos ay ‘di salat.
“Walang Diyos!”, wika ng mga tampalasan,
Na ang puso’y pawang inalipin ng kasalanan.
Hamon nila’y ganito: “Sige, inyong patunayan,
Na ang Diyos niyo’y ‘di isang kasinungalingan.”
Dagdag pa nila, “‘Wag kang gagamit ng Biblia,
Bagkus ay magpakita ka ng mga ebidensya;
Ang batayan ko ay walang iba kundi syensya,
At kung ika’y mabigo, bakit paniniwalaan kita?”
Paano tayo dapat tumugon, mga kapatid ko?
Paano ba natin sasagutin ang hamong ito?
Sa paanong paraan tayo makikipag-argumento?
Dapat ba nating isangtabi ang Salita ni Cristo?
O, huwag nawa itong mangyari, mga kapatid.
Hindi ebidensya ang sa kanila’y dapat ihatid.
May Diyos, at ito’y kanilang nang nababatid.
Ang problema’y nasa puso nilang makikitid.
Ano daw ang kanilang batayan ng kaalaman?
Ito daw ay ang mga kaparaanan ng agham.
Sa mga bagay na nakikita sila’y nananangan,
Upang sila’y makasumpong ng katotohanan.
Ngunit ang disiplina ng agham ay nakasalalay,
Sa pangangalaga ng Diyos sa lahat ng bagay.
Ang sangnilikha ay may pagkakaisang tunay,
Pagka’t sinusustina ito ng ating Diyos na buhay.
Posible lamang ang agham dahil sa “pagkakaisa,”
Ng lahat ng maraming bagay na magkakaiba.
Ang saligan nito’y ang banal na Trinidad lamang,
Na Siyang Manglilikha; mismong “Marami” sa “Iisa.”
Anong rason ang maibibigay ng mga tampalasan,
Upang ang “pagkakaisang” ito ay kanilang asahan?
Sa kanilang kathang-daigdig ay walang gano’on;
Ito’y hiram lamang nila mula sa Salita ng Panginoon.
Kung gayon, hindi ang syensya ang huling saligan,
Upang ang pag-iral ng Diyos ay ating malaman.
Bagkus, ang awtoridad ng Salita ng Diyos lamang,
Ang mismong basehan ng posibilidad ng agham.
-Jeph