- "Sa ganitong paraan pagliwanagin ninyo ang inyong ilawan sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa. Sa gayon ay luluwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit" (Mateo. 5:16, Ang Salita ng Diyos).
- "Mangagingat kayo na huwag magsigawa ng katuwiran sa harap ng mga tao, upang kanilang makita: sa ibang paraan ay wala kayong ganti ng inyong Ama na nasa langit" (Mateo. 6:1, Tagalog Ang Biblia).
Ang ating puso ay likas na makasarili, na naghahangad ng mga pagkilala at papuri, lalo na kung tayo'y nakagagawa ng mga mahuhusay na bagay na sa tingin natin ay karapatdapat lang purihin at bigyang-pagkilala. Gayunpaman, tayo ay pinaalalahanan ni Jesus na dapat tayong maging kagaya ng isang mapagpakumbabang alipin, na gaya rin naman niya. Hindi dapat ipagmalaki ang mga mabubuting bagay na ating ginagawa sapagkat ang Diyos ang siyang nagtalaga at tumawag sa atin sa ganoong gawain (Efeso 2:10).
Si Cristo ay naparito sa pagpapakumbaba, hindi upang siya'y paglingkuran, kundi upang maglingkod (Mateo 20:28; Filipos 2:3-8). Bilang mga tagasunod ni Cristo, dapat tayong matuto mula sa kanyang halimbawa, at maglingkod sa ating kapwa na may pagpapakumbaba (Colosas 3:12). "Upang ang iyong paglilimos ay malihim: at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka" (Mateo 6:4, Ibid.).
Yamang pagaari ng Diyos ang ating mga buhay, dapat nating ibigay sa kanya ang buong kapurihan sa lahat ng bagay. Ayon sa apostol, "Sapagka't kayo'y binili sa halaga: luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan ang Dios" (1 Corinto 6:20, Ibid.). Tayo'y namatay na kalakip ng kanyang Anak at binuhay na maguli sa panibagong buhay sa pamamagitan ng kanyang Espiritu; samakatuwid, lahat ng pagkilala, papuri, at kaluwalhatian hinggil sa ating mga pagpapagal ay nauukol lamang sa Kanya na nagbibigay sa atin ng pagnanais at kakayahang tuparin ang kanyang mabuting kalooban (Filipos. 2:13).
Soli Deo Gloria! (Sa Diyos lamang ang kapurihan!)
-Jeph