Monday, April 16, 2012

Gusto kong bumait pero di ko magawa!

Tukso. Nariyan yan sa halos lahat ng dako. Sa barkada. Sa paaralan. Sa internet. Sa bahay. Kahit saan! Lahat ng kabataang mananampalataya ay humaharap sa samut-saring mga tukso ng sanlibutan. Lahat tayo ay dumarating sa punto na bumibigay tayo sa panggogoyo ng kaaway.

Pero teka lang. Hindi ba sa kaloob-looban ng puso natin eh hindi naman talaga natin gustong gumawa ng kasalanan sa Diyos? Ang ibig kong sabihin, hindi ba lahat naman tayo na tumanggap kay Cristo ay nagnanais magbago at lumayo sa kasalanan? Pero bakit ganun, mas pinipili parin nating magkasala sa tuwing inihahain ng kaaway sa atin ang masasarap niyang putahe?

Ayaw nating magkasala, pero ginugusto nating magkasala. Ang gulo noh? Nalilito ka na ba? Ako rin eh.

Ang phenomena na ito ay ipinaliwanag ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia. Ayon kay San Pablo:
"Sapagka't ang laman ay nagnanasa ng laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman; sapagka't ang mga ito ay nagkakalaban; upang huwag ninyong gawin ang bagay na inyong ibigin." (Gal. 5:17)
Kaya pala! Ang pagkakaroon natin ng dalawang magkaibang pagnanais sa puso natin ay repleksyon ng nagaganap na gyera sa pagitan ng Espiritu na nananahan sa atin, at ng ating laman o lumang pagkatao. Taglay natin ang kagustuhang magbago, ngunit dahil nadadaig tayo ng pagnanasa ng ating laman, hindi natin magawa-gawa ang kabutihang nais nating gawin. Sabi nga ulit ni Pablo:
"Ito ay sapagkat ang ginagawa ko ay hindi ko nauunawaan sapagkat ang hindi ko nais gawin ay siya kong ginagawa. Ang kinapopootan ko ang siya kong ginagawa. Ngunit kung ang hindi ko nais ang siyang ginagawa ko, sumasangayon ako na ang kautusan ay mabuti." (Rom. 7:15)
Alam natin ang masama at mabuti. Sumasang-ayon tayo na ang kautusan ng Diyos ay mabuti. Sang-ayon tayo na ang anumang uri ng adiksyon o bisyo na nakasisira sa katawan ay masama at di kalugod-ludog sa paningin ng Diyos. Alam nating masama ang magsinungaling. Alam nating masama ang makipag-away. Alam nating mabuti ang maging masunurin sa ating mga magulang.

Pero bakit ganun, lalo parin nating ginagawa ang kasalanan? Anong problema? Ayon sa Kasulatan, ito ay sapagkat mahina ang ating kalooban o will hinggil sa katuwiran. Ayon nga sa apostol: "...ako sa aking sarili ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa aking isipan, ngunit sa aking makalamang kalikasan naglilingkod ako sa kautusan ng kasalanan" (Rom. 7:25b).

Ang ugat ng problema ay nasa disposisyon ng ating mga puso. Ayon nga kay Jesus, gawin mo munang mabuti ang puno at tsaka ito makapagbubunga ng mabuti (Mat. 12:33). Ngunit sino ang may kapangyarihang baguhin ang kalikasan ng isang puno? May kakayahan ba ang puno na gawin yun sa sarili nya? Syempre wala.

Kung gayon, sino ang makapagliligtas sa atin mula sa miserableng kalagayang ito? Pakinggan ang wika ng apostol:
"O anong saklap ng aking kalagayan! Sino kaya ang magliligtas sa akin sa kalagayang ito na nagpapahamak sa akin? Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya!" (Rom. 7:24-25a) 
"Ito ay sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong loobin at gawin ang kanyang mabuting kaluguran." (Php. 2:13)
Sa madaling salita, hindi natin ito kayang pagtagumpayan kung sarili lang natin. Sa katunayan pa nga ay wala tayong magagawa kung hiwalay tayo kay Cristo (Jn. 15:6). Ang Diyos lamang ang may kakayahang baguhin ang disposisyon ng ating puso upang ibigin natin siya.

Ayon sa Panginoon,
  • "At tutuliin ng Panginoon mong Dios ang iyong puso, at ang puso ng iyong binhi, upang ibigin mo ang Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, upang ikaw ay mabuhay." (Deut. 30:6)
Sa mga taong may pagibig sa Diyos, ang mga utos ng Panginoon ay hindi mabigat o mahirap sundin (1 Jn. 5:3). Gayunpaman, ang pagibig na ito'y hindi bunga ng pagsisikap ng tao, kundi produkto lamang ng biyaya ng Diyos na binili ni Cristo para sa atin sa pamamagitan ng kanyang dugo (Rom. 5:5-6, 8:32). 

Kapatid ko kay Cristo, may mga kahinaan ka bang hindi mo mabitaw-bitawan at inaakala mong wala ka nang pagasa sapagkat hindi mo ito mabago? Gusto mo bang bumait pero di mo magawa? Tatapatin kita. Hindi mo talaga kaya! Hangga't hindi mo inaamin sa iyong puso na hindi mo kayang magbago at tanging Diyos lamang ang may kakayahang ipagkaloob ito sa iyo, paulit-ulit kang mabibigo - at hinding-hindi ka magtatagumpay. Sabi nga ng Kasulatan,
"Ganito ang sabi ng Panginoon: Sumpain ang tao na tumitiwala sa tao, at ginagawang sandigan ng lakas ang kanyang sariling bisig, na ang puso'y walang pagtitiwala sa Panginoon." (Jer. 17:5)
O ano pang hinihintay mo? Babasahin mo ba ito at kakalimutan na lang? Bumalik ka sa krus ni Cristo NGAYON! Isuko mo ang lahat-lahat ng mga kahinaan mo sa paanan ng ating Panginoon! Kay Cristo lamang matatagpuan ang TUNAY at TIYAK na pagbabago!

Maraming salamat sa Diyos! Sa kanya ang buong kapurihan!

Amen!

2 comments:

  1. the precious name behind genuine transformation is JESUS CHRIST! and all we have to do is to SURRENDER... Praise God! men, ang galing na-bless ako sayo. :) Para sa ating lahat sana tuloy-tuloy ang paglago natin spiritually for God's greater glory!

    ReplyDelete
  2. Amen, Sis. Amen! Amen! Amen!

    To God be the glory! :D

    ReplyDelete

Commenting Rules:

1. No trolling or baiting; submit relevant responses to appropriate blog-posts.
2. No name calling, bashing, flaming or posting of any ad hominems or personal attacks or insults of any kind
3. No spamming, advertising or soliciting.
4. No littering in the comment-box (multi-posting or cross-posting).
5. No blasphemous post and no links to occultic and cultic materials and immoral sites.
6. No negative one-liners.
7. No impersonating
8. No heckling; harrassments
9. No posting in all caps; no posting in all bold letters
10. If you're posting Anonymously, please provide a name so you can be addressed properly.

*All mature, sensible, and honest comments are welcome and encouraged. Comments will be filtered by the blog-owner before granting them to be published.