Pages:

Thursday, March 19, 2015

Sino ang tunay na Kristyano?

Ang salitang Kristyano (Eng, "Christian") ay hango sa salitang Griego na "Christianos" (G5546 - Χριστιανός) na ang kahulugan ayon kay Thayer ay "a follower of Christ." Tatlong beses lamang ginamit sa Bagong Tipan ang salitang ito (cf. Acts 11:26, 26:28, & 1 Pe. 4:16), at ayon sa kasaysayan ng sinaunang iglesya na naitala sa aklat ng Mga Gawa sa panulat ng doktor na si San Lucas, ang titulong ito ay unang ginamit sa Antioqua patungkol sa "mga alagad" ni Cristo (v. 11:26). Marahil ay pakana ng mga kalaban ng iglesya ang titulong ito bilang insulto sa kanilang pananampalataya gaya ng ipinahihiwatig sa mga salita ni San Pedro sa 1 Pe. 4:16:
  • "Mapalad kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos. Huwag nawa mangyarig maparusahan ang sinuman sa inyo dahil siya'y mamamatay-tao, magnanakaw, o salarin o pakialamero. Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiiging Cristiano (Gk, Χριστιανός), huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo." (MBB)
May halo din ng pangungutya ang naging tugon ni haring Agripa matapos niyang marinig ang testimonya at depensa ni San Pablo tungkol sa ebanghelyo: "Sa loob ng maikling panahon ay ibig mo yatang maging Cristiano ako!" (Acts 26:28, MBB). Tila noong unang panahon ay nagdaan sa mabibigat na diskriminasyon, pangungutya, at paguusig ang mga Kristyano (berbal man o pisikal) sa ilalim ng bansag na ito.

Sa panahon ngayon kung kailan lumalaganap nanaman ang kaliwa't-kanang paguusig laban sa Kristyanismo (lalo na sa ilang mga bansa sa Gitnang Silangan kung saan nanggugulo ang mga pasaway na teroristang grupo na ISIS), ang katapangan natin sa pagdadala ng titulong Kristyano ay maaaring masubok sa 'di natin inaasahang pagkakataon at pamamaraan. Gayunpaman, bago natin maaaring paghandaan ang bagay na yan ay mayroong isang mahalagang katanungan na dapat muna nating itanong sa ating mga sarili: Ako ba ay isang tunay na Kristyano? 

Ang pangaral ni San Pedro sa 1 Pe. 4:14-16 na binasa natin kani-kanina lang ay para lamang sa mga tunay na Kristyano. Sila ang mga tagasunod ni (o sumusunod kay) Cristo Jesus na ating Panginoon. Ayon kay Jesus, "Kung tinutupad ninyo ang aking aral, kayo nga'y tunay na mga alagad ko" (Jn. 8:31, MBB). Samakatuwid, kung hindi mo tinutupad ang mga aral ng Panginoon ay hindi ka maaaring ibilang sa kaniyang mga alagad at hindi ka kasama dun sa mga sinabihan ng apostol na huwag nilang ikahiya ang pagiging Kristyano. Isa kang kahihiyan kay Cristo kung dinadala mo ang kaniyang pangalan ngunit hindi mo sinisikap lakaran ang kanyang kabanalan.

Totoong ang Kaligtasan natin ay natamo natin nang walang bayad sa pamamagitan ng pananalig at hindi dahil sa mga gawa (Jn. 3:16-18; Eph. 2:8-9). Wala ring pagtatalo na tayo'y kinupkop na ng Diyos bilang mga anak niya nang tanggapin natin si Cristo sa ating buhay bilang Panginoon at Tagapagligtas (Jn. 1:12). Ang pagiging tunay na Kristyano ay nagsisimula naman talaga sa sariling puso sa pamamagitan ng buong pagtitiwala lamang kay Jesus bilang tanging Tagapagligtas at buong pagsuko sa kaniya bilang Panginoon (Rom. 10:9-10). Ngunit hindi ito nagtatapos doon; kailangan mo itong patunayan sa harap ng ibang tao (Mat. 5:15-16; Jam. 2:18).

Lingid sa kaalaman ng marami, hindi lamang mga gang o fraternity (na karamihan ay mga salot sa lipunan) ang mayroong initiation rites. Ang Kristyanismo ay may sarili nang initiation rite mula pa noong itatag ito mga 2,000 taon na ang nakaraan! Ang initation rite na ito na nagsisilbing panlabas na paraan ng paganib sa Kristyanismo ay walang iba kundi ang bautismo sa tubig. Ito ang pangunahing panlabas na pagsunod ng isang makasalanan sa Panginoon matapos niyang isuko ang kaniyang buhay kay Cristo Jesus (Mat. 28:19-20; Acts 2:38, 41, 8:12-13 36-38, 10:47). Sa katunayan, walang sinumang mananampalataya sa alinmang pahina ng Bagong Tipan ang mapapatunayang hindi nabautismuhan (maliban doon sa magnanakaw na nakapako sa krus na walang pagkakataon noon na magpabautismo).

May mga simbahan na ipinagpapaliban ang pagbabautismo sa mga mananampalataya hangga't sila'y hindi pa nakakaunawa nang lubusan sa mga pangunahing doktrina ng Kristianismo (na kadalasan ay tumatagal ng ilang linggo, kung hindi man ay buwan). Ang masasabi ko'y walang basihan sa Biblia ang ganitong sistema. Nung araw ng Pentecost ay sumampalatya ang mahigit 3,000-katao at nabautismuhan din silang lahat sa mismong araw na iyon (Acts 2:41). Matapos marinig ng isang bating (o eunuch) ang ebanghelyo ay tinanong niya si Felipe kung pwede na ba siyang bautismuhan (Acts 8:30-36). Ang naging tugon ni Felipe sa kaniya? "Kung nananampalataya ka ng buong puso ay mangyayari" (tal. 37). Nang kumpirmahin ng bating na siya ay "sumasampalataya... na si Jesu-Cristo ay Anak ng Diyos," hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Felipe at agad niyang binautismuhan ang bating (tal. 38). Ilan lamang ito sa mga patunay na ang pagsampalataya kay Cristo at ang pagpapabautismo ay magkaugnay at di-mapaghihiwalay. Sa katunayan, ang pagpapabautismo ang siyang nagsisilbing panlabas na tatak ng ating pakikipag-isa kay Cristo (Rom. 6:4-8). Sa pamamagitan nito ay ibinibihis natin si Cristo sa ating mga buhay (Gal. 3:26-27) bilang patotoo na siya ang ating Panginoon at tayo'y mga alagad niya. Ito ang nagsisilbing monumento na tumatayong representasyon ng ating minsan at magpakailanmang pagsuko kay Cristo, paghuhugas ng ating mga kasalanan, at bagong buhay na natamo natin sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay.

Noong panahon ng mga apostol, sa tuwing gugunitain ng isang Kristyano ang kaniyang pagkakaligtas, ang nasa isip niya ay ang kaniyang bautismo at ang nirerepresenta nito (tingnan sa Rom. 6:2-8 & Gal. 3:26-27). Hindi ibig sabihin nito na nakakapagligtas ang bautismo o hindi maliligtas ang sinumang hindi bautistado. Bagkus, ang bautismo ang nagsisilbing kumpirmasyon na tunay ngang naborn-agen ang isang taong nais magpahayag ng pananalig kay Cristo. Ang "bautismo ngayon ay nagliligtas sa atin," wika ni San Pedro. "Hindi sa paglilinis ng karumihan ng makasalanang likas kundi ang tugon ng isang malinis na budhi sa Diyos. Ito ay sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesucristo" (1 Pe. 3:21, SND).  Nakakalungkot isipin na sa panahon ngayon ay napaka-babaw na ng unawa ng maraming simbahan sa kahalagahan ng bautismo sa buhay ng isang Kristyano. Ito'y nagiging opsyonal na lamang para sa karamihan, at ang ipinalit na nila sa pwesto ng bautismo (bilang representasyon ng ating pananalig) ay ang pagsambit ng panalanging pagtanggap o sinner's prayer na wala namang basehan sa Kasulatan.

Kapatid, nais mo bang matawag na Kristyano? Sundin mo ang mga aral ng Panginoong Jesus. Ang unang pagsunod kay Jesus ay ang paglalagak ng pananalig sa kanya (Rom. 5:1, 8:1). Kung isinuko mo na ang buhay mo kay Cristo, bakit hindi mo siya ibihis sa iyong pagkatao sa pamamagitan ng bautismo? "Sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus kayong lahat ay naging mga anak ng Diyos," ayon kay San Pablo. "Ito ay sapagkat lahat kayong binawtismuhan kay Cristo, ay ibinihis ninyo si Cristo" (Gal.  3:26-27). Huwag mong sarilinin ang commitment mo kay Jesus. Sa paningin ng ibang mga tao ay ikaw parin yung dating tao na nakilala nila. Upang malaman nila na iba ka na, dapat mo itong ipakita sa iyong mga gawa o sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa mga aral ni Cristo. Huwag nating gayahin ang mga pasaway na Judiong mananampalataya sa Jam. 2:14-24 na pinagalitan ni San Tyago sapagkat inaangkin nila na sila'y may pananampalataya pero puro lang sila ngawa at di sila makitaan ng gawa. Kaya naman, ang pagangkin natin sa pangalang Kristyano ay hindi lang din dapat sa ngawa, kundi sa pamamagitan din ng gawa.

Amen?

- Jeph

No comments:

Post a Comment

Commenting Rules:

1. No trolling or baiting; submit relevant responses to appropriate blog-posts.
2. No name calling, bashing, flaming or posting of any ad hominems or personal attacks or insults of any kind
3. No spamming, advertising or soliciting.
4. No littering in the comment-box (multi-posting or cross-posting).
5. No blasphemous post and no links to occultic and cultic materials and immoral sites.
6. No negative one-liners.
7. No impersonating
8. No heckling; harrassments
9. No posting in all caps; no posting in all bold letters
10. If you're posting Anonymously, please provide a name so you can be addressed properly.

*All mature, sensible, and honest comments are welcome and encouraged. Comments will be filtered by the blog-owner before granting them to be published.