Pages:

Thursday, March 12, 2015

Nagbibigay ba ang Diyos ng mga utos na hindi natin kayang tuparin?

"Lord, grant what thou commandest, 
and command what thou wilt." 

Ito ang mapagpakumbabang panalangin ng isang Aprikanong obispo noong ika-5 siglo kung saan ay hiniling niyang ipagkaloob sa kaniya ang pagiging masunurin sa mga utos ng Diyos. Ipinapakita ng panalanging ito na tayo, bilang mga makasalanan, ay nangangailangan ng tulong ng Panginoon sa paglakad natin sa kabanalan. Ngunit sino ang magaakala na ang simpleng panalanging ito ang siyang magu-udyok sa pagsisimula ng isa sa mga pinaka-malalaking talakayan (o debate) sa kasaysayan ng Cristianismo hanggang sa kasalukuyang panahon? 

Ang panalanging nabanggit ay galing kay San Agustin na nanungkulan bilang obispo sa lunsod ng Hippo noong 391 hanggang siya'y namatay noong 430 AD. Ipinangaral niyang ang Kaligtasan at paglakad natin sa kabanalan ay nakasalalay unang-una sa lahat sa pagkilos ng biyaya ng Diyos sa ating mga puso. Ito ang kahulugan ng mga katagang, "grant what thou commandest" sa kanyang sikat na panalangin. 

Ngunit kung sa Diyos nakasalalay ang pagsunod natin sa kanyang mga utos, nangangahulugan ito na wala tayong likas na kakayahang sumunod sa Diyos; at kung gayon nga, lalabas na naguutos ang Diyos ng mga bagay na imposible nating matupad. At kung ang ipinaguutos ng Diyos sa atin ay imposible nating matupad malibang ipagkaloob niya sa atin ang pagsunod, bakit pa niya tayo sinisisi kapag nagkakasala tayo? Kasalanan parin ba natin kung hindi niya pinagkaloob sa atin ang pagsunod?

Yan ay ilan lamang sa mga tanong na umikot sa isipan ng isang moralistang monghe na si Pelagius (na nasa Roma noong kapanahunan din ni San Agustin) kaugnay ng panalangin sa itaas. Iginiit ni Pelagius, bilang protesta sa mga katuruan ni San Agustin, na dahil nilikha tayong lahat ng Diyos na likas na mabuti at ayon sa kanyang sariling wangis, tayo ay may sapat at likas na kakayahang maging masunurin sa kaniyang mga utos. Tayo ay binigyan ng Diyos ng "freewill" o kalayahan/kakayahang pumili sa pagitan ng mabuti o masama. At dahil ika niya'y taglay na natin sa ating mga sarili ang kakayahang maging matuwid, isang insulto umano sa Diyos na ipanalangin pa sa kaniya na masunod nawa natin ang mga utos niya. Kung tutuusin, ika ni Pelagius, ang pagiging banal natin ay naka-depende lang sa tamang paggamit natin sa kakayahang inalagay na ng Diyos sa ating kalikasan (o nature). Sa katunayan pa nga, ayon kay Pelagius, ay maaari tayong maging perpekto at walang-sala kung nanaisin lamang natin, at kung may tulong man na ibinibigay ang Diyos sa tao, yun ay ang ipaalam lamang sa tao ang mga katotohanan na dapat niyang paniwalaan at sundin. Kumbaga, ang tulong na binibigay ng Diyos ay eksternal lamang, hindi internal

Matapos ang mahabang debate sa pagitan nina San Agustin at Pelagius ay nagpasya ang Simbahan na ibilang ang mga aral ni Pelagius (i.e. Pelagianism) sa hanay ng mga hidwang-aral (heretical teachings) na dapat tanggihan ng bawat Cristiano. Ngunit anong naging basehan ng sinaunang Simbahan sa pag-kundena sa mga katuruan ng Pelagianismo? Hindi ba't may pilosopikal na katuwiran naman ang mga sentimyento ni Pelagius? 

Ang mga aral ng Pelagianism ay itinayo ni Pelagius, unang-una sa lahat, sa mga pilospikal na sentimyento, at hindi sa Salita ng Diyos. Mali ang kaniyang pinanggalingan, kaya mali rin ang pinatunguhan ng kanyang mga konklusyon. Inuna niya ang kanyang mga pilosopikal na presuposisyon bago niya kinunsulta ang Salita ng Diyos, sa halip na kunsultahin muna ang Salita ng Diyos bago pagtagpi-tagpiin ang mga pilosopikal na implikasyon ng mga ito. 

Halimbawa, mababasa natin sa 2 Tim. 2:25 kung paano sinabihan ni San Pablo ang batang-bata pang pastor na si Timoteo na "sawaying may kaamuan ang mga nagsisisalangsang; baka sakaling sila'y pagkalooban ng Diyos ng pagsisisi sa ikaaalam ng katotohanan." Hindi ito sasabihin ng apostol kung ang tanging tulong lamang na ibinibigay ng Diyos sa mga makasalanan ay ang ipakita sa kanila ang katotohanan at kung ang pag-talima ng tao ay nakasalalay lamang sa kaniyang sarili. Ang mga katagang "baka sakaling sila'y pagkalooban ng Diyos ng pagsisisi" ay maliwanag na nagpapakita na ang pagsisisi ay kaloob (gift) ng Diyos na hindi niya ipinagkakaloob sa lahat (Rom. 9:15-18, 11:6-8). Maliwanag ding kinokontra ng talatang ito ang kaisipang "kung ipinagutos, samakatuwid ay may kakayahan tayong sumunod," sapagkat ayon sa talata - ang mga pasaway ay dapat daw "sawaying may kaamuan"—o sa madaling salita ay dapat silang hikayatin magsisi sa pamamagitan ng pangangaral ng katotohanan sa malumanay na paraan—ngunit ang kakayahang magsisi (at maging ang mismong pagsisisi) ayon sa apostol ay nakasalalay parin sa pagkakaloob ng Diyos (i.e. "baka sakaling ipagkaloob sa kanila ng Diyos ang pagsisisi"). 

Ganyan-ganyan din ang prinsipyo na makikita natin sa Php. 2:12-13. Sa talata 12 ay ipinaguutos ng apostol sa atin na "lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas"—na ang kahulugan ay ipamalas natin ang bunga ng pagiging ligtas na natin sa pamamagitan ng paglakad sa kabanalan. Dahil ba ipinagutos ito ay iisipin na nating may likas na kakayahan tayong tuparin ito? At kapag natupad ba natin ito ay maaari natin ipagmapuri na nagawa natin yun dahil sa sarili nating desisyon at lakas? Hindi! Ayon sa apostol, dapat nating lubusin ang gawain ng ating pagkaligtas "na may takot at panginginig," o may buo at sukdulang pagpapakumbaba. Bakit? Bakit kailangan magpakumbaba nang sukdulan? "Sapagka't," ayon sa apostol sa sumunod na talata, "Dios ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban"! Sa Ingles, "For it is God who is the cause of your desire and of your acts, for his good pleasure" (BBE). Samakatuwid, hindi natin yun matutupad nang hiwalay sa pagkilos ng biyaya ng Diyos; "sapagkat kung kayo'y hiwalay sa akin," sabi ni Jesus, "ay wala kayong magagawa" (Jn. 15:5). 

Siguro iniisp mo: bakit ipinaguutos ng Diyos ang mga bagay na di natin kayang gawin? Para ba pag-tripan lang tayo? May magagagawa ba ako kung hindi niya ipagkakaloob sa akin ang "pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban"? Masisisi niya ba ako sa mga pagkukulang ko? 

Ang sagot ng apostol sa tanong na iyan ay ganito:

"Nguni't, Oh tao, sino kang tumututol sa Diyos? Sasabihin baga ng bagay na ginawa doon sa gumawa sa kaniya, Bakit mo ako ginawang ganito? O wala bagang kapangyarihan sa putik ang magpapalayok, upang gawin sa isa lamang limpak ang isang sisidlan sa ikapupuri, at ang isa'y sa ikahihiya?" (Rom. 9:20-21)

Bilang mga makasalanan, tayong lahat ay pawang mga maruruming putik lamang na ang kapalaran (o destiny) ay nakasalalay sa mabuting pasiya ng matuwid na Magpapalayok.. Hindi kasalanan ng Diyos kung bakit tayo napa-alipin sa Kasalanan at naging mga maruruming putik sa kaniyang harapan; kagagawan natin yun! (Ecc. 7:29; Rom. 5:12; Eph. 2:1-3). Kaya kahit pa walang pagkalooban ang Diyos ng pagtalima, at ihagis tayong lahat sa impyerno nang sabay-sabay (dahil sa karumihan ng ating mga puso na walang pagnanasang sumunod sa kanya - Ecc 9:3; Jer. 17:9; Rom.8:7-8), makatarungan parin siya! Samantalata, kung pagpasiyahan niyang gawing "sisidlan ng awa" ang isang lumpak ng putik, at gawing "sisidlan ng galit" ang iba pa (Rom. 9:22-24)—walang maipagmamayabang ang una, at walang maidadahilan ang huli.

Ngayon kung ipinaguutos man ng Diyos ang mga bagay na hindi natin kayang tuparin, iyon ay upang turuan tayong humingi ng tulong sa kaniya, at upang turuan tayong maging mapagpakumbaba kung sakaling matupad natin ito sa pamamagitan ng kaniyang biyaya. Sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala—hindi ng sarili nating kakayahan (wala tayo nun!)—kundi "ang pagkakilala ng kasalanan" (Rom. 3:20). Yan ang diwa ng panalangin ni San Agustin sa itaas. 

Kapatid, ikaw ba ay wala pang pagnanasa na sumunod sa Diyos? Manalangin ka, sapagkat sa Panginoon nanggagaling ang "pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban." (Php. 2:13)

Pero dahil ba sa Diyos nagmumula ang pagnanasa nating sumunod ay pwede na tayong paupo-upo na lang? Hindi! Bagkus tumayo ka at "lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas na may takot at panginginig." (tal. 12)

Ngunit kapag nakatayo ka na ba't masunurin na ay pwede mong angkinin ang kapurihan para sa sarili mo? Huwag! Sapagkat "Dios ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban." (tal. 13)

Tayo ay responsable sa ating mga ginagawa, ngunit Diyos lamang ang dapat papurihan sa anumang kabutihan na ating nagagawa dahil sa pagkilos ng kanyang biyaya. Ang dalawang prinsipyong ito ay dapat maging balanse sa ating mga buhay upang maiwasan ang katamaran at pagmamayabang. 

- Jeph

3 comments:

  1. done reading..
    maganda, brief history but full of wisdom..in His Glory..
    sana i post u din eto sa FB para mas maraming makakabasa especially sa BAC..

    Godbless

    -grace/adairia

    ReplyDelete
    Replies
    1. Pino-post ko na ito sa BAC forum sis, pero alam nama nating hindi patok para sa kanila ang ganitong mga paksa. :)

      Delete
    2. aun lang, pero posible kaya na pwede u ipost ung buong article doon?baka kasi ung iba nahihirapang mag open dahil sa cp ang gamit,..
      just a suggestion :)

      Delete

Commenting Rules:

1. No trolling or baiting; submit relevant responses to appropriate blog-posts.
2. No name calling, bashing, flaming or posting of any ad hominems or personal attacks or insults of any kind
3. No spamming, advertising or soliciting.
4. No littering in the comment-box (multi-posting or cross-posting).
5. No blasphemous post and no links to occultic and cultic materials and immoral sites.
6. No negative one-liners.
7. No impersonating
8. No heckling; harrassments
9. No posting in all caps; no posting in all bold letters
10. If you're posting Anonymously, please provide a name so you can be addressed properly.

*All mature, sensible, and honest comments are welcome and encouraged. Comments will be filtered by the blog-owner before granting them to be published.