Sino ba ang ayaw magkaroon ng maraming-maraming pera at magkaroon ng kakayahang bilhin ang anumang nais niyang bilhin? Sino ang ayaw magkaroon ng pangalan at sana'y mag-trending din sa twitter? Sino ba ang ayaw magkaroon ng maraming ka-tropa at magkaroon ng malawak na impluwensya at kapangyarihan? Sino ba ang ayaw sa kaligayahang idinudulot ng sex? Atbp.
Marami tayong gusto, at lahat ng yan ay bunga ng ating pagsusumikap na maging maligaya. Pero bakit ganun? Bakit parang halos lahat ng pinagkukunan natin ng kaligayahan, ipinagbabawal naman ni Lord? Wala bang karapatang lumigaya o maging masaya ang mga tao? Bakit napaka-KJ naman yata ni Lord? Ganun ba ka-self centered ang Panginoon na para bang napag-tripan lang niya tayong lahat na sundin siya sa lahat ng bagay na ipinagu-utos niya sa atin kahit labag sa ating kagustuhan?
Kapatid, kung isa ka sa mga may kinikimkim na ganitong uri ng sentimyento dyan sa puso mo, maniwala ka sakin: Hindi kill-joy si Lord. Ang totoo niyan, ikaw ang KJ---hindi si Lord. Paano ko nasabi? Simple lang: Ikaw ay KJ sapagkat ayaw mong kilalanin at luwalhatiin (i.e. itaas, dakilain, papurihan, parangalan) ang Diyos. O sa ibang salita: Hindi KJ ang Diyos dahil siya ay self-centered, kundi bagkus ikaw ang KJ dahil ayaw mong kilalanin ang pagiging self-centered ng Diyos.
Tama ang iyong nabasa. Ang Diyos ay self-centered. Napaka! Sa katunayan, ang pinaka-layunin ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos---ikaw, ako, at lahat ng nabubuhay, mga pangyayari, at hanggng sa kaliit-liitang mga alikabok sa sansinukob---ay nilikha para sa kaluwalhatian at kapurihan ng kanyang sariling kadakilaan. Sabi ni Pablo,
"Sapagkat ang lahat ng bagay ay nagmumula sa kanya, sa pamamagitan niya, at para sa kanya. Sa kanya ang lahat ng kaluwalhatian magpakailanman! Amen." (Rom. 11:36)Ang pagiging self-centered ng Diyos (o ang kanyang matinding pagibig sa sarili niyang kapurihan at kaluwalhatian) ay alinsunod mismo sa sarili niyang katuwiran. Isipin mong mabuti: Kung ang Diyos ang pinaka-dakila sa lahat, sa tingin mo ba'y mananatili pa kaya siyang makatuwiran kung hindi niya itinataas ang sarili niyang kadakilaan nang higit sa lahat ng bagay? Syempre hindi. Hindi maaaring itanggi ng Diyos ang sarili niyang kadakilaan, samakatuwid nararapat lamang na siya'y maging self-centered!
Pero sa puntong ito siguro'y nais mong itanong sa'kin: "Ibig mo bang sabihi'y makasarili ang Diyos?"
Ang sagot ko'y depende sa pakahulugan mo sa salitang makasarili. Sa isang sentido, totoong makasarili ang Diyos, dahil ang pinaka-layunin ng lahat ng kanyang ginagawa ay para sa ikaluluwalhati ng sarili niyang pangalan. Sa gayong paraan, at gaya ng nabanggit na, hindi siya maaaring maging kontra - sarili; siya'y marapat lamang na maging maka - sarili. Hindi niya maaaring itanggi ang sarili niyang kadakilaan sapagkat hindi niya maaaring itanggi ang kanyang pagiging Diyos.
Ngunit ang Diyos ba ay makasarili sa sentido na wala siyang pake sa ikabubuti ng kanyang mga nilalang? Hindi gano'n ang ibig kong sabihin. Sa katunayan pa nga, ang nais kong patunayan ay ang katotohanan na ang pagiging maka-sarili ng Diyos ang siyang nagsisilbing tanging batayan ng kaniyang pagibig sa atin!
Pano nangyari yun?
Simple lang: Kung ang Diyos ang pinaka-dakila sa lahat, ano sa tingin mo ang pinaka-mahalagang kayamanan na maaari niyang ibigay para sa atin? Tama! Ang kanyang sarili mismo! At dahil ang Diyos mismo ang pinaka-dakilang Kayamanan sa lahat (na higit pa sa mga bagay na itinuturing na "kayamanan" ng sanlibutan), samakatuwid ay hindi labag sa kanyang pagibig sa atin ang kanyang masidhing hangarin na dakilain at itaas ang kanyang sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa atin!
Iyan ang pinaka-dahilan kung bakit itilaga ng Diyos ang kanyang Anak na si Jesus bilang Tapagagligtas ng mga makasalanan; ito ay una't higit sa lahat para sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan (Jn. 12:27-28, 13:31-32, 17:1; cf. Isa. 43:25).
Kung gayon, maliwanag na hindi kill joy ang Diyos. Hindi kailanman ninais alisin ng Diyos ang likas na pagnanais nating maging maligaya. Sa katunayan, nais niya tayong maging maligaya at napatunayan niya yan nang kanyang tuparin ang kanyang hangarin na dakilain / luwalhatiin ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagparito ng kanyang bugtong Anak. Ang pagiging maka-sarili ng Diyos ang siyang naging batayan ng ating tunay at walang hanggang kaligayahan!
Bilang pangwakas sa maikling blog na ito, nais kong bigyang-diin muli na hindi ang Diyos ang kill joy, kundi tayo mismo. Ayon kay Jesus, kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso (Mat. 6:21); at kung nasan ang iyong puso, naturamente doon ka rin humuhugot ng kaligayahan. Kung ang kayamanan mo ay ang mga bagay ng sanlibutang ito, sa sanlibutan ka rin huhugot ng kaligayayan (Eph. 2:1-3), at tiyak na magiging kill joy talaga si Lord para sa'yo (Jn. 5:44). Maaaring inaakala mo'y maligaya ka sa mga bagay na pinapahalagahan mo sa daigdig, ngunit ang totoo'y inilalayo mo ang iyong sarili mula doon sa tanging makapagbibigay sayo ng tunay na kaligayahan. At habang nananatili kang bulag hinggil sa kagandahan ng Diyos kay Cristo Jesus (2 Cor. 4:4), ika'y magiging katulad ng isang batang paslit na ayaw tumigil sa paglalaro ng buhangin sa park at ayaw sumama sa kanyang mga magulang patungo sa Enchanted Kingdom sapagkat wala siyang ideya kung gaano ka-"mas dakila" ang Enchanted Kingdom kumpara sa kinahuhumalingan niyang buhangin.
Kapatid, wag kang KJ.
-Jeph
pero...masama po ba mag hangad o mag karon o mag enjoy sa mga bagay na to gayung pinahintulutan din po ito ng Diyos bilang isa sa mga biyaya nya?
ReplyDelete