Pages:

Sunday, March 29, 2015

Calvinism? Ano yun!?

Sa tuwing napaguusapan o nababanggit ang "Calvinism" sa facebook group na BORN AGAIN CHRISTIANS, marami ang napapakamot ng ulo at napapatanong: Ano ba ang Calvinism? Sekta ba yan? Kulto ba yan? Ano ba ang tinuturo ng Calvinism na pinaniniwalaan ng mga Calvinists?

Kung isa ka sa mga nagnanais magkaroon ng kaalaman tungkol sa Calvinism, nasa tamang lugar ka ngayon sapagkat isang Calvinist ang nagsusulat nitong artikulong ito. Hayaan mong tulungan kitang naunawaan ang mga basic tenets (o payak na paniniwala) ng mga Calvinists na katulad ko, at kung ano-ano ang mga maling-akala na karaniwang ibinabato laban sa aming pinaniniwalaan.

Ang sekta ng Calvinism

Eeeengk! Mali. Hindi po sekta (o relihiyon) ang Calvinism. Ito ay isang "school of thought" lamang na naglalayong ipaliwanag ang kaugnayan sa pagitan ng pagiging soberenya (sovereignty) ng Diyos at ng ating kaligtasan. Bagamat may mga sekta na lubusang niyayakap ang mga prinsipyo ng Calvinism, may mga Calvinists na myembro rin sa ibat-ibang denominasyon. Sa madaling salita, hindi po sekta, denominasyon, relihiyon, o kulto ang Calvinism sapagkat hindi po ito naka-kahon sa iisang ispesipikong organisasyon o grupo. (Ikaw nga mismo eh, maaaring Calvinist ka; hindi mo lang alam!)

Sino ang may pakana?

Ang salitang "Calvinism" ay hango sa pangalan ng isang repormistang Pranses na si John Calvin noong ika-17 siglo. Gayunpaman, hindi po si John Calvin ang talagang may pakana ng mga doktrina ng Calvinism. Ipinangalan lamang ito kay Calvin sapagkat siya ang pinaka-prominenteng theologian na nagtanggol sa mga prinsipyo nito. Ang totoo nyan, bago pa naging tao si Calvin ay marami nang nauna sa kasaysayan ng Kristyanismo ang nanindigan para sa mga payak na prinsipyong nakapaloob sa Calvinism; gaya nina St. Augustine of Hippo (354 - 430), St. Prosper of Aquitaine (390 - 455), St. Fulgentius of Ruspe (462 - 527), St. Bernard of Clairvaux (1090 - 1153), Gottschalk of Orbais (808 - 867), St. Thomas Aquinas (1225 - 1274), John Wycliffe (1320 - 1384), at iba pa.

Pero teka lang! Bago mo isipin na hango lamang ang Calvinism sa pilosopiya ng mga taong nabanggit, alalahanin din natin na silang lahat ay nanindigan na ang kanilang mga aral ay batay mismo sa banal na Kasulatan (makikita natin yan sa ilang saglit lang). Samakatuwid, ang Calvinism ay hindi pakana ni John Calvin o pakana ng sinumang tao. Ito ay hango sa Salita ng Diyos.

Anong pinaglalaban ng Calvinism?

Simple lang naman ang pinaglalaban ng Calvinism. Ito ay ang katotohanan na ang kabuuan (100%) ng ating pagkaligtas---mula simula hanggang katapusan---ay nakasalalay lamang sa kapangyarihan at biyaya ng Diyos upang walang maipagmapuri ang sinuman. Ito ang pinaka-premis ng buong sistema ng Calvinism, at ibinuod pa ito ni San Pablo sa 1 Cor. 4:7,
"Sapagka't sino ang gumawa na ikaw ay matangi? at anong nasa iyo na hindi mo tinanggap? nguni't kung tinanggap mo, ay bakit mo ipinagmamapuri na tulad sa hindi mo tinanggap?" (TAB)
Ang pagmamapuri (o pagiging mayabang) ay nag-uugat sa maling akala na mayroon kang taglay na anumang mabuting bagay na hindi galing sa Diyos. Yan ang naging problema ng mga mananampalataya sa Corinto na sinulatan ng apostol. Nagkabaha-bahagi sila dahil inakala nilang utang na loob nila sa mga mangangaral (ng ebanghelyo) ang kanilang pananalig; ang iba ay nagtayo ng fans-club para kay Pablo, ang iba naman ay para kay Apollos, at ang iba ay kay Cefas, etc (1 Cor. 1:12, 3:4-5). Dahil dyan, ipinakita sa kanila ng apostol (mula kabanata 1 hanggang 3) na ang mismong pananalig nila ay kaloob (regalo) na galing sa Diyos at hindi galing sa ibang tao o sa mga sarili nila kaya dapat na nilang itigil ang pakikipag-pataasan ng ere (1 Cor. 1:30-31, 2:4-5, 12-14, 3:6-9).

Maraming Cristiano ngayon ang may parehong maling akala gaya ng sa mga taga-Corinto. Inaakala nilang inalok lamang sa kanila ng Diyos ang kaligtasan ngunit ang mismong pagtanggap nila ay nakasalalay na sa sarili nilang pasiya. Kung tama ang ideyang ito, lalabas na ang sarili nating merito (i.e. merito ng pagtanggap kay Cristo) ang siyang  nagtangi sa atin tungo sa kaligtasan, at kung gayon nga ay hindi na ito maaaring ituring na "ayon sa biyaya" (Rom. 11:6).

"Ngunit ngayon, Oh Panginoon, ikaw ay aming Ama; kami ang malagkit na putik, at ikaw ay magpapalyok namin; at kaming lahat ay gawa ng iyong mga kamay." (Isa. 64:8)
Totoong ang pananalig natin ang siyang naghihiwalay sa atin mula sa mga taong napapahamak, ngunit ang pananalig bang ito'y bunga lamang ng ating sariling desisyon? o ipinagkaloob lamang din sa atin ng Diyos? Kung ito'y galing lamang sa ating mga sarili, mayroon nga tayong maipagmamapuri - at mali ang Calvinism. Ngunit"sino," tanong ni San Pablo, "ang gumagawa na ikaw ay matangi?" Obyusli, ang sagot sa katanungang yan ay walang iba kundi ang Dios. Ayon nga kay Jesus: "Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at walang nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at sinumang piliin ng Anak na pagpahayagan niya. " (Mat. 11:27, MBB); at minsan pa, "walang taong makalalapit sa akin, maliban na ipagkaloob sa kaniya ng Ama" (Jn. 6:65, TAB). Sumatotal, tayo ay natangi dahil sa ating pananalig kay Cristo---hindi lamang dahil sa sarili nating pasya---kundi unang-una sa lahat ay dahil ipinagkaloob ito sa atin ng Diyos na siyang unang pumili sa atin (Ac. 13:48) at kumilos sa puso natin (Ac. 16:14). Kung gayon, wala talaga tayong dapat ipagmapuri at sa Diyos lamang nauukol ang lahat ng kapurihan! Sabi nga ni San Pablo, "at anong nasa iyo na hindi mo tinanggap? nguni't kung tinanggap mo, ay bakit mo ipinagmamapuri na tulad sa hindi mo tinanggap?" (1 Cor. 4:7b-c).

Marahil ay iniisip mo kung bakit kailangan pang ipagkaloob ng Diyos sa tao ang pagtalima kay Cristo. Hindi ba't binigyan tayo ng Panginoon ng "freewill"? Wala ba tayong sapat na kakayahang magpasya na lumapit at sumunod sa ebanghelyo?

Ang Alamat ng Freewill

Ang karaniwang depinisyon ng maraming tao sa salitang "freewill" ay ang pagkakaroon ng kakayahang pumili o magpasya, kung saan ang kalooban ng isang tao ay hindi nakakiling (o hindi "inclined" / "bias") sa anumang direksyon sa pagitan ng mabuti o masama. Ngunit may ganitong uri nga ba ng kalayaan ang tao bilang makasalanan? Ang sagot ng Calvinism ay wala.

Kaya nga tayo tinatawag na "makasalanan" eh. Hindi lamang tayo tinatawag na "nagkasala" na para bang aksidente lamang ang ating mga nagagawang kasalanan, bagkus tayo'y maka - salanan. Mayroon tayong inklinasyon o pagkiling tungo sa paggawa ng Kasalanan. At hindi lamang ito basta inklinasyon o pagkiling, kundi ito mismo ang katutubo (o likas) na disposisyon ng ating buong pagkatao.

Ayon kay apostol Pablo:
"Kayo noo'y mga patay sa inyong mga  pagsalangsang at mga kasalanan, na dati ninyong nilakaran, ayon sa lakad ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway. Tayong lahat ay dating nabuhay sa gitna ng mga ito, sa mga pagnanasa ng laman, na ating ginagawa ang mga nais ng laman at ng pag-iisip, at tayo noo'y katutubong mga anak ng kapootan, gaya naman ng mga iba." (Eph. 2:1-3, ABAB)
"Sapagkat nang kayo ay mga alipin pa ng kasalanan,
kayo'y malalaya tungkol sa pagiging matuwid."
(Rom. 6:20) 
Samakatuwid, maliwanag na hindi lamang tayo makasalanan sapagkat tayo'y nagkakasala, bagkus tayo'y nagkakasala sapagkat tayo'y likas na makasalanan (o alipin ng Kasalanan). Dahil sa Kasalanan ng unang tao (Rom. 5:12) tayong lahat ay naging patay sa ating mga espirituwal na kalagayan at napa-alipin sa kalooban ni Satanas (2 Tim. 2:26) at samakatuwid ay walang likas na kagustuhan o inklinasyon na tumalima sa Diyos malibang unang kumilos ang Diyos sa puso natin (tingnan ang mga sumusunod na talata: Eze. 36:26; Ac. 16:14, cf. Mat. 13:11-16, Jn. 6:44, 65, Rom. 3:9-12, 8:7-8, 1 Cor. 2:14, 2 Cor. 4:4-5, Eph. 2:1-3, 2 Tim. 2:25-26).

Dito natin makikita na sa magkaibang sentido, tayo'y malaya ngunit alipin. Malaya nating sinusunod ang anumang nais o hangarin ng ating mga puso. Gayunpaman, ang ating mga puso ay alipin ng anumang bagay na pinagkukunan nito ng kaligayahan: "Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din naman ang iyong puso" (Mat. 6:21, ABAB). Habang tayo'y bulag patungkol sa kagandahan at kaluwalhatian ni Cristo (na kung tutuusin ay siyang pinaka-mahalagang Kayamanan sa lahat), mas nanaisin pa ng ating mga puso na magpakalunod sa mga "kayamanan" na ipinapangako ng mga tukso. Kung gayon, ang tanging paraan para mabasag ang sumpang ito ay walang iba kundi ang pagkilos ng makapangyarihang Espiritu ng Diyos sa puso ng isang makasalanan nang sa gayon ay makita niya ang walang kapares na kagandahan ng ebanghelyo na magdudulot ng malayang pagtalima kay Cristo (Eze. 36:26-27).

Sa madaling salita, itinuturo ng Calvinism na kung mayroon mang tumatalima (at walang pagtatalo na tayo nga ay tumalima kay Cristo ayon sa sarili nating pasya - Mat. 11:28), ang kapurihan ay ukol lamang sa Diyos na siyang unang pumili sa atin upang tayo'y pagkalooban ng kalayaan, kakayahan, espirituwal na pangunawa, at positibong inklinasyon at pagnanasa na lumapit kay Cristo tungo sa lubos na kaligtasan (Psa. 65:4, Mat. 11:27, Eph. 1:3-5, 11). Sa bandang huli, ang Panginoon ang siyang tanging may-akda at siyang tagapagpaging-ganap ng ating pananalig (Heb. 12:2). Siya ang ating soberenyang Tagapagligtas na nagliligtas ng lubusan mula simula hanggang katapusan (Rom. 8:30) upang walang maipagmapuri ang sinuman. Yan ang puso ng Calvinism.

Baka Calvinist ka rin!

Oo, maaaring Calvinist ka rin pero di mo lang pala alam. Paano mo malalaman? Simple lang. Tanungin mo ang iyong sarili:
  1. Naniniwala ka bang wala kang magagawang anumang mabuti na kalugod-lugod sa Diyos malibang unang kumilos ang Diyos sa puso mo? (Jn. 15:5; Rom. 8:7-8)
  2. Nananalangin ka ba para sa kaligtasan ng iyong mga mahal sa buhay? (cf. Rom. 10:1)
  3. Ipinapanalangin mo ba na nawa'y kumilos ang Diyos sa puso nila upang kanilang tanggapin si Cristo? (cf. Eze. 36:26, Ac. 16:14)
  4. Ipinagpapasalamat mo ba sa Diyos ang sarili mong pagkakaligtas at ang pagkakilala mo sa kaniya? (cf. Mat. 11:27, 13:11, Jn. 6:44, 65; Php. 1:29)
  5. Nagtitiwala ka ba na tiyak na tatapusin ng Diyos ang pagliligtas na sinimulan niya sayo, at iingatan ka niya sa pananalig hanggang wakas? (cf. Jn. 10:27-29, Rom. 8:29-39, Php. 1:6)
  6. Naniniwala ka bang ang lahat ng biyayang tinatamasa mo ngayon (na may kinalaman sa iyong kaligtasan), maging ang iyong pananalig, ay pawang kaloob na galing sa Diyos na binili ni Cristo ng kanyang dugo? (cf. Rom. 8:32, Eph. 2:13)
Kung Oo ang sagot mo sa mga katanungang ito, malamang ay isa ka ring Calvinista.

-Jeph

1 comment:

Commenting Rules:

1. No trolling or baiting; submit relevant responses to appropriate blog-posts.
2. No name calling, bashing, flaming or posting of any ad hominems or personal attacks or insults of any kind
3. No spamming, advertising or soliciting.
4. No littering in the comment-box (multi-posting or cross-posting).
5. No blasphemous post and no links to occultic and cultic materials and immoral sites.
6. No negative one-liners.
7. No impersonating
8. No heckling; harrassments
9. No posting in all caps; no posting in all bold letters
10. If you're posting Anonymously, please provide a name so you can be addressed properly.

*All mature, sensible, and honest comments are welcome and encouraged. Comments will be filtered by the blog-owner before granting them to be published.