Pages:

Wednesday, June 20, 2012

Sola Fide ba ang Batayan ng Kaligtasan?

Mali po ang kaisipang sa Sola Fide (o pagsampalataya lamang) naka-batay ang Kaligtasan. Hindi po ito ang katuruang itinataguyod ng mainstream evangelicalism. Sa katunayan, ang konseptong ito'y hindi ipinangaral ng sinuman sa mga prominenteng repormista ng panahon ng Repormasyon. Higit sa lahat, wala pong biblikal na pundasyon ang koseptong ito.

Maraming kritiko ng Sola Fide (mula noon hanggang ngayon) ang nagaakalang itinuturo ng mga ebangheliko na sa pagsampalataya lamang nakabatay ang Kaligtasan. Sa kasamaang palad, marami ring "ebangheliko" (mula noon hanggang ngayon) ang nagtataglay ng ganitong maling kaisipan.

Ano nga ba ang batayan sa pagtatamo ng Kaligtasan? Ang batayan sa pagtatamo ng Kaligtasan ay ang pagiging "matuwid" ng tao sa paningin ng Diyos. Sa Araw ng Paghuhukom ay masasaksihan ng lahat ang poot ng Diyos sa mga makasalanan, sa mga hindi matuwid, samakatuwid baga'y sa mga hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos (Rom. 2:5-6, 8-9). Tanging ang mga mapapatunayang "matuwid" (o sakdal) lamang ayon sa pamantayan ng Kautusan ang siyang maliligtas sa nakakakilabot na kahatulan ng Panginoon (Rom. 2:7; cf. Mat. 25:46). Ayon nga kay Jesus, "Kayo nga'y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal" (Mat. 5:48). Iyan ang kaluwalhatiang kailangang abutin ng tao upang siya'y maging karapat-dapat magtamo ng buhay na walang hanggan.

Ngunit mayroon bang nakaabot sa kaluwalhatiang iyan? Wala, wala kahit isa, "Gaya ng nasusulat, Walang matuwid, wala, wala kahit isa" (Rom. 3:10). "Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios" (Rom. 3:23). Kung gayon, sino sa atin ang makakatayo sa kahatulan ng Diyos sa Araw ng Paghuhukom? Wala. Ayon nga sa aklat ng mga Awit: "Kung ikaw, Panginoon, [ay] magtatanda ng mga kasamaan, Oh Panginoon, sinong tatayo?" (Psa. 130:3); at minsan pa, "At huwag kang masok sa kahatulan na kasama ng iyong lingkod; sapagka't sa iyong paningin ay walang taong may buhay na aariing ganap" (Psa. 143.2). Sa madaling salita, lahat tayo ay karapat-dapat lamang ibulid sa impyerno dahil sa ating mga kasalanan. Tayo'y nangangailangan ng Tagapagligtas.

Kaya nga, gaya ng alam na natin, ipinadama ng Diyos ang kanyang pagibig, bagamat tayo'y di karapat-dapat, nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang ang sinumang manalig sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon (Jn. 3:15-18; Rom. 5:8). Ang Kautusan na hindi natin kayang tupdin ay walang salang tinupad ni Cristo nang sa gayon ay "ibilang" o  "ituring" tayong matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng ating pananalig sa kanya (Rom. 3:24-25; cf. Mat. 5:17, Gal. 4:4-5). Ang katuwirang ito na iginagawad ng Diyos sa mga sumasampalataya ay hindi batay sa kanilang sariling mga gawa (o sa kanilang pagsampalataya), kundi batay lamang sa trabahong tinapos na ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus. Sabi nga ni San Pablo: "sa pamamagitan ng pagtalima ng isa ang marami ay magiging mga matuwid" (Rom. 5:19) at ang katuwirang ito'y natatamo sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo (Rom. 10:3-4). Hindi nakabatay sa pagsampalataya ang Kaligtasan, bagkus ito'y tugon lamang sa pagliligtas na tinapos na ni Cristo (Rom. 10:9-11).

Ang kabuuan ng Kaligtasan ay nakabatay lamang sa gawain ng Diyos, at hindi sa anumang paraan nakasalalay sa mga gawa o desisyon ng tao. Maging ang pagsampalataya ay kaloob lamang ng Diyos sa sinumang nais niyang pagkalooban nito! (1 Cor. 4:7; cf. Jn. 6:65, Php. 1:29). Ang Diyos Ama ang siyang humirang (Rom. 8:29-30; 1 Pe. 1:2), ang Diyos Anak ang siyang nagbata alang-alang sa Kaligtasan ng mga hinirang (Mat. 1:21; Jn. 10:11, 15), at ang Diyos Espiritu Santo naman ang nagkakaloob ng pananampalataya sa mga hinirang (1 Cor. 2:14; cf. Jn. 3:3). Yan ang dahilan kung bakit Soli Deo Gloria (Latin, "Sa Diyos lamang ang kaluwalhatian") ang paninindigan ng mga lolong repormista. Ito ay sapagkat ang kabuuan ng Kaligtasan, ayon sa Kasulatan, ay naguugat sa Biyaya, at nagtatapos din sa Biyaya.

-Jeph

No comments:

Post a Comment

Commenting Rules:

1. No trolling or baiting; submit relevant responses to appropriate blog-posts.
2. No name calling, bashing, flaming or posting of any ad hominems or personal attacks or insults of any kind
3. No spamming, advertising or soliciting.
4. No littering in the comment-box (multi-posting or cross-posting).
5. No blasphemous post and no links to occultic and cultic materials and immoral sites.
6. No negative one-liners.
7. No impersonating
8. No heckling; harrassments
9. No posting in all caps; no posting in all bold letters
10. If you're posting Anonymously, please provide a name so you can be addressed properly.

*All mature, sensible, and honest comments are welcome and encouraged. Comments will be filtered by the blog-owner before granting them to be published.