Pages:

Wednesday, June 6, 2012

"Nasaan ang Paggalang na Nararapat Para sa Akin?"

Daloy ng buong aklat ng Malakias:
Nang pinayagan ng mga mananakop ang mga Judio na makabalik sa kanilang lupain at muling itayo ang templo, nagkaroon ng panibagong pag-asa; pag-asang tuloy-tuloy na ang pagpapala ng Panginoon sa kanyang bayan- Kasaganaan, Kapayapaan, Kaunlaran ng bayang Israel.

Subalit hindi pa man lumilipas ang sandaang taon, muling nakaramdam ng pagkabigo ang bayan. Hindi naganap ang kanilang inaasahan. Sa kabanata 3:14, ganito ang kanilang reklamo: “Walang kabuluhan/Walang Saysay ang maglingkod sa Diyos. Ano ang ating pakinabang/ano ang ating napala sa pagsunod sa kanyang mga utos? Ano ang ating napala sa ating pagluluksa sa ating mga kasalanan?”

Sa ganitong panahon isinugo ng Panginoon ang Propetang Malakias.

Ang unang tiniyak ng Panginoon ay ang kanyang Pag-ibig. Sa Kabanata 1:2, “Inibig ko kayo”, diin ng Panginoon at bilang patunay, inihambing Niya ang kalagayan ng Israel sa kalunos-lunos na kalagayan ng kapatid na bansang Edom. Pagkatapos, sa buong aklat ni Malakias ay inilahad ng Panginoon ang tunay na sanhi ng pagkaudlot ng mga pagpapala:

1. Paglapastangan ng Israel sa kanilang paghahandog
2. Pakikipaghiwalay sa kanilang asawa
3. Pag-aasawa ng mga sumasamba sa mga diyus-diyusan
4. Pananamantala sa mga nangangailangan
5. At pagnanakaw sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng nararapat na ikapu at mga kaloob.

Ang lahat ng mga nabanggit ay paglabag sa Kautusang ibinigay ng Diyos kay Moises. Ang pagkukulang sa hindi sa Diyos. Ang nararapat na pagbuntunan ng sisi ay ang Israel. Sa sandaling panahon matapos muling maitayo ang templo, ang bayan ay bumalik sa buhay na marumi- buhay na bulok- buhay na mabaho.

Basahin: Malakias 1:6-14

Ang unang hinarap ng Panginoon ay ang mga saserdote/pari. Sa kautusang ibinigay kay Moises, ang mga pari ang inatasang mangasiwa sa mga handog na ihahain sa altar. Hindi dapat tanggapin ang may sakit, ang bulag, may pilay, may bali, putol o durog ang ari, may pangangati, may galis; Ang mga baka, tupa o kambing na iaalay ay dapat walang kapansanan o anumang kapintasan.

Subalit ang mga utos na ito ay binale-wala ng Israel at ito’y kinunsinti ng mga pari/saserdote.

Hindi naman sa ang Diyos ay nangangailangan. Ang bawat malusog na baka, kambing at tupa, hindi lamang sa Israel kundi sa buong mundo ay pag-aari ni YHWH. Ang Panginoon ay hindi isang pulubi na namamalimos ng handog; sapagkat ang lahat ng yaman sa ibabaw at ilalim ng lupa, sa gubat, sa karagatan, sa himpapawid at maging sa langit at pag-aari ng Panginoon.

Hindi naman talaga handog ang hanap Niya, subalit ang mga inihahain nilang mga handog ay nagpapakita ng kalagayan ng kanilang mga puso. Kaya naman dito sa ika-6 na talata ay kanyang sinabi: “ O mga Pari na humahamak sa aking Pangalan”. Pangit ang kanilang mga handog sapagkat pangit rin ang kanilang puso- Mga pusong humahamak sa pangalan ng Diyos.

“Iginagalang ng anak ang kanyang ama”
“Iginagalang ng alipin ang kanyang amo”


Subalit nasaan ang paggalang na para sa Diyos. Ang kanilang mga handog ay hindi tanda ng pagsamba. Bagkus ito ay tanda ng pagyurak sa ngalan ng Diyos.

Ang kanilang mga pangit na handog ay ni hindi nga tatangapin ng gobernador. Ito ay insulto para sa gobernador. Ngunit sino ba ang gobernador kung ihahambing sa kaluwalhatian ng Diyos? Sino ba ang mga mortal na hari sa ibabaw ng lupa kung ihahambing sa kaluwalhatian ng walang hanggang Diyos na nakaluklok sa langit at ang lupa ay tuntungan lamang ng kanyang mga paa. Sa talata 14 ay kanyang inihayag: “Ako ay isang Dakilang Hari... Ang aking Pangalan ay kinatatakutan ng mga bansa."

Mga kapatid, nasa puso pa ba natin iyon, na ang ating Diyos ay isang Dakilang Hari, at nararapat lamang sa kanya ang ating pinakamainam na alay- at iyan ay ang ating buhay? Nawa’y ating sikapin na ang ating buhay ay maihain natin sa kanya nang walang bahid ng anumang kapintasan- isang haing buhay na katanggap-tanggap para sa isang Dakilang Hari..

Mga kapatid, ito ang dapat nating katakutan.
Sa ika-10 talata ay makikita natin na mas nanaisin pa ng Panginoon na makitang nakasara ang mga pintuan ng templo kaysa sa pagpapatuloy ng pag-aalay ng mga handog na hindi naman Niya ikinatutuwa. Kung hindi na natin kinikilala ang Kadakilaan ng ating Hari, kung wala na tayong paggalang sa kanya, mas nanaisin ng Panginoon na maisara ang mga pintuan ng gusaling ito. Kung wala na tayong takot sa Diyos, wala ng kabuluhan ang ating pag-awit, at mas gugustuhin ng Panginoon na manahimik ang ikatlong palapag ng Armar Building.
Ito po ating isa-isip, ngayon at sa susunod nating mga pagtitipon.