Pages:

Sunday, May 13, 2012

Iba na ngayon! :D

"Kaya't kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya'y bagong
nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila'y
pawang naging mga bago."
(2 Cor. 5:17, TAB)
Isa sa mga pinaka-paborito kong teksto sa Biblia ay ang Eph. 2:1-10. Para sa akin, ito'y parang isang maikling aklat ng kasaysayan tungkol sa aking buhay. Sa tuwing binabasa ko ang bahaging ito ng sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso, naaalala ko kung ano ako noon at kung paano nagbago ang lahat dahil sa biyaya ng Diyos.

Bago ako makakilala kay Cristo at isuko sa kanya ang aking buhay, ako'y namuhay sa isang mundong miserable at napakadilim. Inakala kong mayroon akong tunay na kalayaan sapagkat nagagawa ko ang anumang naisin kong gawin. At ang Diyos? Wala akong pakialam sa Diyos. Para sa akin, ang Diyos ay isang mapanganib na kaaway. Oo, siya'y isang mapanganib na kaaway sapagkat lahat ng bagay na kinahuhumalingan kong gawin ay ipinagbabawal niya. Inisip kong sa oras na magpaka-alipin ako sa kanya, mawawala ang "kalayaang" pinaka iingat-ingatan ko; bagay na hindi ko hahayaang mangyari.

Ngunit tunay nga bang mayroon akong kalayaan noon? Wika ng apostol:

"Noong una'y mga patay kayo dahil sa inyong pagsuway at mga kasalanan. Sinunod ninyo noon ang masamang takbo ng sanlibutang ito at napailalim kayo sa prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong suwail. Dati, tayo'y kabilang sa mga ito, namuhay ayon sa pita ng laman at sinunod ang masamang hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos." (Eph. 2:1-3, MBB)
Bagamat nagagawa ko noon ang anumang naisin kong gawin, ang realidad ay isa akong makasalanang ALIPIN ng Kasalanan. Walang anumang bahid ng pagasa sa akin, at ang pagbabagong buhay ay isang suntok sa buwan para sa akin.

Nobyembre 14, taong 2005, sa di-inaasahang pagkakataon ay narinig ko ang mabuting balita tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Hindi ko malilimutan ang petsang ito sapagkat sa araw na ito ako iniligtas ni Cristo. Gaya ng isang kriminal na ang baril na hawak ay wala nang bala at napapaligiran na ng maraming pulis, nagpakumbaba ako at isinuko ang aking buhay kay Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas. Doo'y nagsimula nang magbago ang lahat.

"Subalit napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo'y binuhay niya kay Cristo kahit noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. (Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang loob.) Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas kayo sa pamamagitan ng inyong pananalig kay Cristo. At ang kaligtasang ito'y kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyo. Hindi ito dahil sa inyong mga gawa kaya't walang dapat ipagmalaki ang sinuman." 
(Eph. 2:4-9, MBB)
Tunay ngang hindi masukat ang kagandahang loob ng Diyos, ang kanyang walang bayad na biyaya na ipinagkakaloob niya sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Niligtas ako ng Diyos mula sa pagkaka-alipin sa Kasalanan, hindi sa pamamagitan ng aking sariling pagsisikap, kundi sa pamamagitan lamang ng biyaya ng Diyos. Kaya kung noo'y nabubuhay ako para sa aking sarili, IBA NA NGAYON!

"Tayo'y kanyang nilalang, nilikha sa pamamagitan ni Cristo Jesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti, na itinalaga na ng Diyos para sa atin noon pa mang una." (Eph. 2:10, MBB)
Hindi ako naligtas dahil isa akong mabuting tao. Sa katunayan, ako'y sukdulan ng sama - ngunit sa kabila nito'y kinaawaan ako ng Diyos at iniligtas niya ako ng walang bayad sa pamamagitan ng katubusan na nakay Cristo (Rom. 3:24-25). Naligtas ako dahil kay Cristo, hindi dahil sa aking sariling kakayahan o pagpapagal. At dahil iniligtas ako ng Diyos, at ngayo'y isa nang bagong nilalang (2 Cor. 5:17), hindi ako titigil sa pagbibigay sa kanya ng kapurihan, papuri at pagsamba, magpakailanpaman. Kung ano ako noon, iyon ay lumipas na. Hindi na ako babalik pang muli sa dati kong kalagayan, ako'y binago na.

Sa Diyos ang tanging kapurihan! Amen!

* * * * *

No comments:

Post a Comment

Commenting Rules:

1. No trolling or baiting; submit relevant responses to appropriate blog-posts.
2. No name calling, bashing, flaming or posting of any ad hominems or personal attacks or insults of any kind
3. No spamming, advertising or soliciting.
4. No littering in the comment-box (multi-posting or cross-posting).
5. No blasphemous post and no links to occultic and cultic materials and immoral sites.
6. No negative one-liners.
7. No impersonating
8. No heckling; harrassments
9. No posting in all caps; no posting in all bold letters
10. If you're posting Anonymously, please provide a name so you can be addressed properly.

*All mature, sensible, and honest comments are welcome and encouraged. Comments will be filtered by the blog-owner before granting them to be published.