Ayon kay Jesus sa talata 47 ng ika-anim na kabanata ng aklat ng Juan,
"Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan" (Jn. 6:47, TAB). Isipin itong mabuti:
kung tunay na nananalig si Judas kay Cristo bilang kanyang Panginoon at Tagapagligtas, disinsana'y mayroon siyang buhay na walang hanggan, at siya'y isang anak ng Diyos alinsunod sa Juan 1:12. Ngunit bakit tinawag siyang "diablo" ni Cristo sa talata Juan 6:70?
"Sinagot sila ni Jesus, Hindi baga hinirang ko kayong labingdalawa, at ang isa sa inyo ay diablo?" (Jn. 6:70,
Ibid.). Ito ay sapagkat ang totoo, hindi naman talaga tunay na nananalig si Judas kay Cristo. Ergo, hindi siya tunay na ligtas. Ang katibayan ko sa bagay na yan ay makikita sa talata 64,
"Datapuwa't may ilan sa inyong hindi nagsisisampalataya. Sapagka't talastas na ni Jesus buhat pa nang una kung sino-sino ang hindi nagsisisampalataya, at kung sino ang sa kaniya'y magkakanulo" (Jn. 6:64, Ibid.).
- Deklarasyon: Datapuwa't may ilan sa inyong hindi nagsisisampalataya...
- Dahilan ng deklarasyon: Sapagka't talastas na ni Jesus buhat pa nang una kung sino-sino ang hindi nagsisisampalataya, at kung sino ang sa kaniya'y magkakanulo.
Dyan makikita at hindi maitatanggi na inihanay si Judas sa mga hindi sumasampalataya. Heto pa: Sa talata 39 at 40 ay ganito ang sinasabi ng ating Panginoon,
"At ito ang kanyang kalooban: huwag kong pabayaang mawala kahit isa sa mga ibinigay niya sa akin, kundi ibangon sa huling araw. Sapagka't ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat makakita at manalig sa anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila'y muli kong bubuhayin sa huling araw." (Jn. 6:39-40, MBB).
Ano daw ang kalooban ng Ama na nagsugo kay Jesus? Ito ay ang mailigtas niya nang
lubusan ang mga "ibinigay" sa kanya ng Ama. Sino-sino ba ang mga "ibinigay" sa kanya ng Ama? Sila ang mga taong hinirang ng Diyos bago pa man likhain ang sanlibutan (Rom. 8:29-30; Efe. 1:3-5, 10-11), at ang kalooban ng Ama ay 'wag pabayaan ni Jesus na mawala ang sinuman sa kanila. Si Jesu-Cristo ang Mabuting Pastol ng kawan ng Diyos (Juan 10). Hinahanap niya ang mga naliligaw na tupa, at iniingatan niya sa kanyang piling ang mga tupang nasa kawan na. Bilang ang Mabuting Pastol, hindi niya pinababayaang mawala
kahit isa man sa mga tupa (i.e. hinirang) na ipinagkatiwala (i.e. ibinigay) sa kanya ng Ama.
Samakatuwid, kapag sinabi nating si Judas ay minsang naligtas ngunit kalaunan ay nahulog nang tuluyan, para na rin nating sinabing naging pabayang Pastol si Jesus. Kung magkagayo'y hindi na siya karapat-dapat na tawaging "Mabuting" Pastol. Ito ay sapagkat kung ang kaisa-isang tupa ay hindi niya nagawang pangalagaan, bagkus ay tuluyang napahamak at naagaw ng kaaway, paano pa kaya niya mapangangalagaan ang buong kawan? Hindi ganyan ka-pabaya si Cristo sapagkat siya mismo ang nagsabi: "Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma'y di sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman" (Jn. 10:28-29, Ibid.).
Isa pang katibayan na makikita natin sa Kasulatan na nagpapatunay na si Judas ay hindi kailanman naligtas ay makikita natin sa Juan 13 kung saan hinugasan ni Jesus ang mga paa ng kanyang 12 alagad upang magpakita ng isang dakilang halimbawa ng pagpapakumbaba. Sa mga talata 11-12 at talata 18 ay ganito ang sinasabi:
"Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ang napaliguan na ay walang kailangang hugasan maliban ang kaniyang mga paa, sapagka't malinis nang lubos: at kayo'y malilinis na, nguni't hindi ang lahat. Sapagka't nalalaman niya ang sa kaniya'y magkakanulo; kaya't sinabi niya, Hindi kayong lahat ay malilinis... Hindi ko sinasalita tungkol sa inyong lahat: nalalaman ko ang aking mga hinirang: nguni't upang matupad ang kasulatan, Ang kumakain ng aking tinapay ay nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin." (Jn. 13:11-12, 18, TAB).
Pansining mabuti:
- Talata 11-12, Ang lahat ng mga alagad, maliban sa isa (na siyang magkakanulo kay Jesus), ay lubusan nang malinis ayon kay Jesus. Kung si Judas ay tunay na nananalig kay Jesus, disinsana'y kasama siya sa mga lubusan nang nilinis sa pamamagitan ng pananampalataya (Gaw. 15:9).
- Talata 18, Sa Juan 6:70 pa lang ay nagpahiwatig na si Jesus sa kanyang mga alagad na mayroong isang latak sa kanilang grupo. Sa Juan 13 ay isiniwalat na ni Jesus kung sino ang tinutukoy niyang "diablo" sa Juan 6:70, palibhasa'y nalalaman niya kung sino ang kanyang mga hinirang, at kung sino ang pasaway na magkakanulo sa kanya.
At matapos ituro ng Panginoon kung sino ang magkakanulo sa kaniya, dagliang pinasukan ng kademonyohan si Judas at tuluyan nang tumiwalag sa samahan ng mga apostol:
"Yaong aking ipagsawsaw at bigyan ng tinapay ay siya nga (ang magkakanulo sa akin). Kaya't nang maisawsaw niya ang tinapay, ay kinuha niya at ibinigay niya kay Judas, na anak ni Simon Iscariote. At pagkatapos na maisubo, si Satanas nga ay pumasok sa kaniya... Nang kaniya ngang matanggap ang subo ay umalis agad..." (Jn. 13: 26-27a, 30a, Ibid.).
Isiping mabuti:
- Ang pagpasok ni Satanas kay Judas ay isang malaking senyales na hindi siya totoong ligtas. Ayon kay apostol Juan: "Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ni Jesu-Cristo, at hindi sila maaaring anhin ng diablo" (1 Jn. 5:18, MBB).
- Ang moralidad ni Judas ay isa ring patotoo na hindi siya tunay na ligtas. "Makikilala ninyo sila nang lubos sa pamamagitan ng kanilang mga bunga" (Mat. 7:16, SND). Makikita natin sa mga bunga ni Judas na ang pananampalatayang taglay niya ay patay. Ayon kay San Tiago, "patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa" (San. 2:17, MBB). Hindi ibig sabihin nito na namatay ang kanyang pananampalataya, kundi bagkus ay patay na ang kanyang pananampalataya sa mula't-mula pa man. Sa kabilang banda ang mga tunay na anak ng Diyos ay "hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ni Jesu-Cristo" (1 Jn. 5:18, Ibid.).
- Ang tuluyang pagtiwalag ni Judas sa samahan ng mga banal ay isa ring malakas na katibayan na siya'y hindi tunay na naging ligtas kailanman. Noong panahon ng sinaunang iglesia, maraming nagpapakilalang "mananampalataya" ang natalikod sa dalisay na aral at naging mga anti-Cristo. Dati silang kasa-kasama ng mga banal, kagaya rin naman ni Judas na palaging kasa-kasama sa bawat lakad ni Cristo. Gayunpaman sa bandang huli sila ay nahiwalay at tuluyan silang napahamak. Nawala ba ang Kaligtasan nila? Hindi. Sapagkat hindi naman sila naligtas kailanman. Ayon sa apostol: "Bagamat dati silang kasamahan natin, hindi natin tunay na kaisa ang mga taong iyon. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin" (1 Jn. 2:19, Ibid.).
Kung gayon, totoo ba ang haka-haka na naiwala ni Judas ang kanyang Kaligtasan nang ipagkanulo niya si Jesus? Hindi. Ito ay sapagkat kailanma'y hindi naman siya naligtas, kaya paano niya mabibitawan ang Kaligtasang hindi pa naman niya nahahawakan?
-Jeph